©WebNovelPlus
Infinito: Salinlahi-Chapter 65
Chapter 65 - 65
Tila lalo namang nalito si Esmeralda at Ismael sa mga sinabi ng matanda. Maging si Dodong na nakikinig lang sa gilid ay napapakunot na rin ang noo. Pare-pareho silang naghihintay sa suusnod na sasabihin ng matanda. Pero sa halip na magsalita ay bumaling ang tingin nito kay Esmeralda. Nagtubig ang mga mata nito at naglakad palapit sa dalaga.
"Pahawak, apo." Hinawakan ni Haraya ang kamay ni Esmeralda at naramdaman ng huli ang mainit na sensasyong dulot nito. Tila nakaramdam rin ang dalaga ng saglit na pagkapanatag sa kaniyang sistema hanggang sa nilukob siya ng isang pangitain. Napakabilis lang ng pangitaing iyon dahil matapos mabitawan ng matanda ang kaniyang mga kamay ay tila nabura ang mga ito sa kaniyang isipan.
"Ano'ng nangyari, ano iyong nakita ko?" tanong ni Esmeralda sa kaniyang isipan habang nakatingin sa matanda.
"Sinasabi ko na nga ba, unang kita ko pa lamang sa'yo kanina ay ramdam ko na na ikaw ang hinahanap ko. Matagal na panahon kitang hinanap, kayo ng taong nakapulot sa'yo. Matagal na panahon kaming naglalakbay nitong anak ko para lang mahanap ka. Salamat sa Diyos at sa wakas ay natagpuan ko rin kayo." Umiiyak na wika nito.
"Hinahanap, bakit niyo ho kami hinahanap nitong anak ko?" Tanong ni Ismael. May kutob na siya kung sino ang matanda, ngunit nais niyang marinig mismo sa matanda ang totoo. Huminga nang malalim ang matanda, ilang beses rin niya itong ginawa para pakalmahin ang sarili bago nagsalita.
"Alam kong hindi mo tunay na anak ang dalagang ito. Na napulot lamang siya sa kagubatan ng asawa mo. Anak ko ang tunay niyang ina, at huli na ng malaman ko na may anak pala siya. Kung hindi pa dahil sa isang pangitain nang subukan kong alamin ang kinaroroonan ng aking anak ay hindi ko malalalaman na nabuntis pala siya at nagsilang ng isang babaeng supling. Dalawapu't isang taon na rin ang nakalilipas," salaysay ng matanda. Nanlaki naman ang mata ni Ismael sa narinig. Bagama't kinukutuban na siya ay hindi pa rin niya maiaalis sa sarili ang hindi magulat dahil detalyado itong naisalaysay ng matandang si Haraya. Animo'y nasaksihan nito ang lahat ng kaganapan sa buhay nila.
Muli ay nakaramdam ng hiwaga si Ismael sa tunay na pagkakakilanlan ng matanda at ng kasama nito. Simple lamang ang kasuotan ng mga ito. Mahabang saya na natatakpan ang kalahati ng kanilang mga binti at paa. Makulay rin ang pang-itaas nila na ang mangas naman ay natatakpan ang braso nila lagpas sa siko. Kakatuwa rin ang saplot nila sa paa dahil gawa iyon sa kahoy na tila tinalian naman ng baging. Sa kabuuan tila pinagiwanan ng panahon ang kasuotan ng mga ito, kabaligtaran ng modernong kasuotan ngayon.
"Anak ng anak niyo si Esmeralda? Ibig sabihin kayo ang tunay na pamilya ni Esmeralda?" gulat na tanong ni Ismael.
"Hala ate, lola mo daw siya." pabulong na wika naman ni Dodong. "Pero ate, kung titingnan mong mabuti, may pagkakahawig ka nga kay lola Haraya at sa babaeng kasama niya. Magkahugis ang hubog ng inyong mukha at mata," komento naman niya matapos titigan ang bawat isa sa kanila.
"Pasensiya ka na hijo kung biglaan ang pagdating namin. Nakita ko sa balintataw ko ang isang panganib na papalapit sa aking apo. At nanganganib rito ang dalawang mundo. Ang mundo ng kaniyang ama at ang mundo nating mga tao."
Tila isang bomba na inilaglag iyon ni Haraya sa kanilang mag-ama. Binalot ngpagkabahala ang sistema ni Ismael nang mapatingin kay Esmeralda. Puno ng pag-aalalang hinawakan niya ang balikat ni Esmeralda. Sa pagkakataong iyon ay napatingin na rin ang dalaga sa kaniyang ama.
"Ano po ang ibig niyong sabihin sa mundo ng aking ama? Alam niyo po pa kung sino ang aking ama? Sino po ba talaga ako? Ano po ba ang tunay kong pagkatao?" sunod-sunod na tanong ni Esmeralda.
"Alam ko, at syempre lahat ng ito ay ibubunyag ko sa iyo. Marapat lang na magkaroon ka ng alam dahil nakasalalay rito ang kaligtasan mo at ng dalawang mundo." Tumantango-tangong wika ni Haraya.
Isa-isa niyang ipinaliwanag sa kanila ang lahat ng pangyayari bago pa man makilala ni Hamara ang kaniyang ama. Tila dinala naman ang mga huwisyo nila sa pagbabalik-tanaw ng matanda sa mga pangyayaring mahigit na sa dalawampong taon ang nakalilipas.
Nagsimula ito sa kabundukan ng Tubahon, kung saan nakatira ang mga babaylang pinili ang magtago sa lipunan. Doon nabibilang ang angkan nina Haraya at isa siya sa may pinakamataas na tungkulin sa mga natitirang lahi ng mga babaylan. Kasama ang dalawang anak na si Hamara at Harani, na siyang humahalili rin sa kaniya sa pagiging babaylan. Lumaking masigla at bibo si Hamara samantalang si Harani naman ay tahimik at hindi palakibo. Bagaman magkasalungat ang pag-uugali nila ay lumaki silang may pagmamahal sa isa't isa.
Mas naunang nagkaroon ng responsibilidad si Hamara kaysa sa kaniyang nakababatang kapatid at tinaguriang berdugo ng mga babaylan ang dalaga. Sa lahat ng mga babaylan si Hamara lang ang nakitaan nila ng lakas na maihahalintulad ng mga ito sa mga manunugis na siyang naging katuwang na rin nila sa kanilang pamumuhay. Palaging laman ng gubat si Hamara, kung hindi nangangaso ng aswang, ay naghahanap naman ito ng makakain para sa buong angkan nila. Tinatalo pa nga ng dalaga ang mga pinsan niya at iba pang kalalakihan sa pangangaso at madalas ay siya ang nakapag-uuwi ng malaking huli sa kanila.
Hanggang sa isang araw, habang nangangaso ng babaoy ramo si Hamara ay isang lagusan ang hindi sinasadyang mapasok ng dalaga. Sa lagusang iyon ay tila tinangay ang lahat ng ulirat niya, at sa muling pagmulat ng kaniyang mga mata, ay natagpuan niya ang sarili niya sa isang hindi pamilyar na kagubatan. Wala siyang saplot at kahit ang mga gamit niya sa pangangaso at naglaho. Tarantang tumayo ang dalaga at naghanap ng mga dahong maaari niyang mahabi upang gawin damit. Nang sa wakas ay natakpan na niya ang hubad na katawan ay saka naman siya naglakad-lakad paikot sa lugar.
Ilang beses pa siyang nagpabalik-balik lang sa lugar na iyon, tila umiikot lang siya at hindi umuusad pa. Inis na inis na napasigaw si Hamara dahil tila napaglalaruan siya, hanggang sa isang pagtawa ang kaniyang narinig.
"Sino ka? Lumabas ka rito at nang magkasubukan tayo? Alam kong nagtatago ka lang kung saan, kung matapang ka harapin mo ako, noo sa noo. Hindi iyang nagtatago ka na para kang pangit na engkanto." sigaw ni Hamara. Inilibot pa niya ang kaniyang paningin at napatda ang mata niya sa nilalang na biglang lumabas mula sa isang malaking puno na nasa likuran niya.
Nakapameywang niyang inirapan ang nilalang na sa pakiwari niya ay hindi nalalayo ang edad sa kaniya, kung normal man itong tao. Matangkad ito at may nakakaayang pananamit sa kantawan. Maamo ang mukha at kapansin-pansin ang tainga nitong tila hugis dahon.
"Isa kang engkanto? Pinaglalaruan mo ba ako? ikaw ba ang kumuha ng damit at mga gamit ko?" mataray niyang tanong sa nilalang. Muli ay ngumiti ito at kamuntikan na niyang makalimutan ang inis na nararamdaman niya rito.
"Huwag mo nga akong ngitian, sagutin mo ang tanong ko, kung ayaw mong ikulong kita sa orasyon na alam ko." pagbabanta pa niya na lalo naman ikinatawa ng binata.
"Hindi ako, sadyang walang gawang mortal ang tinatanggap sa mundo namin. Lahat ng bagay na gawa ng tao ay maglalaho sa oras na makatuntong ka rito." sagot naman ng nilalang. Naglakad ito papalapit sa kaniya at inikutan pa siya na tila ba sinusuri ang buo niyang pagkatao. Noon lang din sumagi sa isip niya ang kasalukuyang sitwasyon ng kaniyang katawan. Bukod sa mga pinagtagpi-tagpi niyang sanga na may dahon, ay wala nang ibang saplot ang natitira sa kaniya. Awtomatikong naitakip naman ni Hamara ang kamay sa kaniyang dibdib nang tumayo na ito sa kaniyang harapan.
"Nais mo bang iahatid kita pauwi, o nais mo munang libutin ang aming mundo?" tanong nito sa nakakaakit nitong boses. Tila nahipnotismo namang tumango si Hamara at muli lang siyang nakawala nang maramdaman ang paglapat ng malambot na tela sa kaniyang balikat. Nang mga sandaling iyon pala, ay binabalot na siya ng malambot na kasuotan ng binata. Maingat pang itinatali nito ang tela sa kaniyang balikat at isang baging naman ang itinali nito sa kaniyang beywang.
Iyon ang naging simula ng malaking pagbabago sa buhay ni Hamara. Simula ng makilala niya ang engkantong si Arawel ay napadalas na ang pagtawid niya sa kabilang mundo hanggang sa pareho na silang nahulog sa isa't isa. Nabuo ang isang pagmamahalan na sa una ay tinutulan ng bawat lahi. Ngunit sa huli ay matagumpay nila itong naipaglaban sa lahi ni Arawel at namuhay sila mundo ng mga mortal, malayo sa kani-kanilang mga angkan. Naging tagabantay ng lagusan si Arawel nang mamuhay ito sa mundo ng mga tao. Ilang taon rin ang kanilang pagsasama bago sila nabiyayaan ng mga supling. At ang mga supling na iyon ang naging dahilan ng pagkawasak ng kanilang pamilya. Inatake sila ng mga aswang at pilit na kinukuha sa kanila ang mga bata.
"Isang mensahe na lamang mula sa hangin ang aking natanggap na ang aking anak ay pumanaw na dahil sa kagagawan ng aswang. At ikaw, ay napulot ng isang butihing asawa ng isang albularyo habang ang iyon kapatid naman ay nailigtas ng mga kauri nitong engkanto."
"Isang Engkanto ang aking ama? Kaya ba simula pagkabata, naiiba na ako sa lahat? Iyon din ang dahilan kung bakit may mga kakayahan akong hindi normal sa isang tao?" Nanlulumong tanong ni Esmeralda.
R𝑒ad latest chapt𝒆rs at freewebnovёl.ƈom Only.