©WebNovelPlus
Infinito: Salinlahi-Chapter 78
Chapter 78 - 78
Isang taimtim na dasal ang muli nilang inalay bago nila tuluyang nilisan ang lugar. Naging tahimik sila sa byahe pabalik, wala ni isa ang nagtangkang basagin ang katahimikang iyon. Tila naging bato naman ang puso ni Esmeralda nang mga sandaling iyon, pakiramdam niya ay inalisan siya ng kakayahang makaramdam ng awa para sa mga nilalang na may gawa noon.
Sino ang mag-aakalang wala na sina Margarita? Sino ang mag-iisip na matagal na pala silang pinaglalaruan ng kalaban nila? Pakiramdam ni Esmeralda ay dinaya sila ng tadhana, wala man lang palatandaan, wala man lang babala. Paano nila tatanggapin ang pangyayaring ito? Dahil sa isiping iyon ay tuluyang kumawala ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Isang haplos namang sa likod ang kaniyang naramdaman at nang lingunin niya ito ay nakita niya si Liyab na malungkot na nakatingin sa kaniya. Hindi ito nagsalita at niyakap na lang ng mahigpit si Esmeralda.
Pagdating nila sa kubo at agad nilang tinungo ang harap ng puno ng mangga kung saan naninirahan ang mga gabay nila. Nakaupo si Esmeralda sa lupa, nakatulala sa harap ng puno at nagsasambit ng mga usal hanggang sa binalot na siya ng mainit na hanging biglang umihip.
"Alam kong isang kapangahasan itong aking kahilingan, subalit, nais ko lang mabigyan ng hustisya ang kamat*yan ng aking tiya at ng pamilya niya."
Yumukod si Esmeralda sa harap ng puno, wari'y humahalika sa lupa. Ang atensyon niya ay wala roon ngunit nasa mga nilalang na nagpaparamdam sa kaniya. Batid niyang nakamasid lang sa kaniya ang mga gabay, naghihintay ng kaniyang mga sasabihin.
"Tulong ang nais ko, tulong na mahuli ang nilalang na ngayo'y nanananahan sa aming tirahan— nagpapanggap na aming kamag-anak." Hiling niya habang sinasabayan iyon ng mga usal.
Matapos ang taimtim niyang pagdarasal ay muli siyang nanahimik. Minasdan niya ang pag-ugoy ng hangin sa katawan at sanga ng puno at bumuga ng buntong-hininga.
Sa pagkakataong iyon ay naramdaman niya ang paglapit ng presensya ni Liyab. Paglingon niya ay nasa tabi na niya ang binata. Katulad niya ay may malungkot rin itong ekspresyon sa mukha.
"Nalulungkot ka rin ba?" Tanong ni Esmeralda. Umiling ng marahan si Liyab at tumingin sa dalaga.
"Alam mo bang magkarugtong ang mga puso natin? Bukod kay amang, wala akong ibang koneksyon sa kaniyang mga kapatid at hindi ako dapat nakakaramdam mg ganitong kalungkutan, ngunit dahil magkarugtong tayo lahat ng emosyong nararamdaman mo, nararamdaman ko rin. Kapag nalulungkot ka, sa tuwing nagagalit ka o nagiging masaya. Lahat iyon ay nararamdaman ko rin." Paliwanag ni Liyab. Napatango naman si Esmeralda nang makuha ang pinupunto nito.
Malungkot si Liyab dahil nalulungkot siya. Dahil naman doon ay gumaan ang pakiramdam niya. Ang isiping wala na si Margarita ay tila isang dagok sa buhay nila. Bunso sa tatlong magkakapatid ang ginang at siya ang mas malapit kay Ismael.
"Liyab, sa tingin mo, bakit nangyayari ito sa pamilya ni amang? Dahil ba kinupkop niya ako? Kalaban ng pamilya natin ang mga engkantong iyon, sila ang pumatay sa ating mga magulang at ngayon, nagsisimula na namang silang alisan tayo ng pamilya rito sa lupa."
"May nais silang makuha at gagawin nila ang lahat para mapasakamay iyon."
Kumunot ang noo ni Esmeralda. "Makuha? Ano ang nais nilang makuha?"
"Marami Esme, marami. Simula nang magkaisip ka at magsimulang mangaso, doon nila naramdaman ang kanilang pagkaubos. Alam mo ang sinasabi ko Esme. Hindi nagkataon na binigay sa'yo ni Amang ang misyong tipunin ang mga mutya ng mga aswang na napap*tay mo. Ang misyong iyon ay binigay ng mga gabay sa'yo. Para pahinain sila at magkaroon tayo ng pagkakataong palabasin sila."
Tumingala si Liyab at humugot ng malalim na hininga.
"Lahat ng ito para sa misyong sinimulan ng ating mga magulang, ang buwagin ang alyansa ng mga itim na engkanto sa mga aswang. Esme, ilang libong taon ng nakikipaglaban ang ating angkan sa mga itim na engkanto. Sila ang nagpapakalat ng kasamaan sa mundo, sa kanila nanggagaling ang mga mutya ng mga aswang at ginagamit nila ito upang sakupin at ipalaganap ang kasamaan sa sanlibutan."
Noon lang din naunanawan ni Esmeralda ang lahat. Nang hapong iyon ay nagpasya si Esmeralda na puntahan si Ismael upang magpaalam. Dahil seryoso at mahalaga ang pag-uusapan, mas minabuti nilang gawin ito sa bukid.
"Handa na ang hapunan natin, Ismael halika na rito at nang makapaghapunan na." Tawag ni Haraya. Nailapag na ni Harani ang umuusok na kanin nang pumasok si Ismael at naupo sa harap ng mesa.
Tahimik silang kumain at pagkatapos ay saka naman binuksan ni Esmeralda ang topiko sa plano nila ni Liyab.
"Sigurado ka na ba ate?" Tanong ni Dodong.
"Oo Dong, kailangan nating gawin ito, dahil hindi tayo uusad kung maghihintay lang tayo, kailangan natin silang unahan. Ang mga manunugis ang matitira sa bayan upang protektahan ang mga tao, narito si Mateo at malaki ang tiwala kong makakaya niyang pamunuan sila kasama si Loisa." Paliwanag ni Esmeralda.
"Pero ate, hindi pa tayo handa. Mapanganib na kalaban ang mga itim na engkanto." Giit ni Dodong.
Ngunit kahit anong sabihin niya ay buo na ang desisyon ni Esmeralda. Wala namang sinabi si Ismael, bukod sa nagtitiwala siya sa desisyon ni Esmeralda. Nang gabing iyon inilaan nila ang bawat oras sa pag-uusap. Doon na rin natulog si Ismael upang mabigyan ng makasama si Esmeralda sa huling pagkakataon bago ito sumabak sa misyon.
"Wala akong ibang hiling kun'di ang makabalik ka nang ligtas Esme. Hindi ako tututol dahil alam kong alam mo ang ginagawa mo. Kasama mo si Liyab, at si Dodong. Hindi mo rin kailangang mag-alala dahil narito si Mateo. At tungkol naman sa huwad na tiyahin mong nasa bahay, kami na ang bahala. Napag-usapan na namin ito ng lola mo, at gagawa sila ng sumpa na siyang magtatali sa dalawang iyon sa kinaroroonan nila."
"Opo Amang. Alam ko namang gagawa kayo ng paraan. Hindi ako mag-aalala dahil malaki ang tiwala ko sa mga gabay na iiwan ko sa lugar na ito. Malakas ka amang, alam kong magiging ligtas ka at magkikita pa tayong muli." Niyakap ni Esmeralda si Ismael. Nang gabing iyon ay natulog nang magkatabi ang dalawa. Katulad noong bata pa siya.
Kinaumagahan, maaga pa lamang ay nasa harap na ng bahay nila si Mateo. Si Dodong ay pupungas-pungas namang bumangon. Tila naalimpungatan pa ito sa mahimbing na pagkakatulog.
"Naipaliwanag na sa akin ni Liyab ang lahat. Mag-iingat kayo Esme, Dodong. Hayaan niyo at gagawin namin ang lahat para maprotektahan ang bayan natin." Saad ni Mateo. Nakatayo sa tabi nito si Loisa at Paeng na noo'y seryosong nakatingin sa kanila.
"Talaga bang hindi kami maaarinh sumama?" Tanong ni Loisa.
Umiling si Esmeralda bago ngumiti. " Hindi Loisa, mga aswang ang tinutugis niyo at hindi mga engkanto. Kami na ang bahala sa kanila. At sa pagkakataong iyon, paniguradong magpapadala sila ng mga aswang rito, at kayo naman ang bahala rito." Paliwanag ni Esmeralda.
Tumango naman si Loisa at hinawakan ang kamay ni Esmeralda.
"Mag-iingat kayo." Turan ni Loisa at niyakap ang dalaga.
"Kayo rin, ingatan niyo ang mga tao. Hiling ko ang tagumpay niyo." Bulong naman ni Esmeralda.
Saktong papasikat na ang araw nang
The source of this c𝓸ntent is freewebnøvel.coɱ.
Umalis sina Esmeralda, Dodong at Liyab. Tinahak nila ang diretsong daan paakyat ng kabundukan, kung saan ang dating tahanan nina Esmeralda.
"Natutuwa akong makita kayo. Pasok na upang makapagpahinga na kayo." Bati ni Apo Salya sa kanila.
Pumasok sila sa loob ng kubo at nakita nilang may naghihintay na pagkain sa hapag. Isang babae ang naghahanda roon, animo'y nahulaan na ng mga ito ang kanilang pagdating.
"Binulungan ako ng mga gabay na darating kayo. Kumain muna kayo, saka natin pag-uusapan ang mga dapat niyong gawin." Wika ng matanda.
Matapos kumain ay nagtipon sila sa maliit na sala ng kubo. Doon ay inilatag ni Apo Salya ang isang lumang mapa. Kakaiba iyon dahil may dalawang bahagi ang bawat lugar na nakaguhit roon. At isa pang nakakuha sa atensyon ni Esmeralda ay ang materyales kung saan gawa ang naturang mapa— gawa iyon sa balat ng hayop na hindi niya mawari kung ano.
"Pinapakita ng mapang ito ang eksaktong lugar kung saan makikita ang mga lagusang isinara noong unang panahon. Karugtong ng bawat lugar dito ang mga lugar sa mundo ng mga engkanto." Marahang nagpapalipat-lipat ang mga daliri ni Apo Salya sa mga bahagi ng mapa habang itinuturo nito ang mga lugar na tinutukoy niya.
"Ang lahat mg itinuro ko ay mga lugar na kasalukuyan nang nabuksan ng mga kalaban. Sa ngayon may dalawang lagusan na lamang ang hindi pa nila nabubusan, ang lagusan sa hilaga at ang lagusan na dating pinrotektahan ng inyong ama at ina." Wika ni Apo Salya habang nakatingin kay Esmeralda at Liyab.
"Ano ho ba ang mangyayari kapag nabuksan ang mga iyan?" Tanong ni Esmeralda.
"Makakapasok na ang mga itim na engkanto sa mundo ng mga puting engkanto at tuluyan na nila itong masasakop." Sagot ni Liyab.
"Tama, at mawawalan ng bisa ang selyo sa kuweba kung saan nakatago ang mga mutyang nabawi mo noon pa, Esme." Dugtong ni Apo Salya. Dito na naunawaan ng dalaga ang kahalagahan ng kanilang misyon. At kung ano ba talaga amg kanilang misyon— iyon ay ang protektahan ang natitirang lagusan laban sa mga masasamang engkanto.