©WebNovelPlus
Infinito: Salinlahi-Chapter 82
Chapter 82 - 82
Dahil sa sinabing iyon ni Dodong ay nanlali naman ang mga mata ni Ador.
"Tama si Dodong, nasasaktan niyo sila pero lalo silang nagagalit. Ang dapat sa mga ganiyan, pinuputulan ng ulo." Sabad naman ni Liyab.
"Kaya nga, nanggigigil lang ako lalo kapag naririnig ko ang mga atungal nila. Ano Dong, tara magpapawis muna?"
"Sige Ate Esme, tara!" Sabik na wika ni Dodong. Patakbo nitong kinuha ang ang sisidlan nila at kinuha doon ang mga gamit nilang itak.
"Teka, bakit kayo lalabas, bakit kayo may dalang mga itak?" nagtatakang wika ni Ador nang makabalik ito galing sa kusina.
"Makikipaglaro lang po kami 'Tay," sagot ni Esmeralda, sabay bukas ng pinto. Wala nang nagawa ang mga ito nang lumabas na ang talo at humarap sa mga aswang na nasa labas. Pareho pang nakangisi si Dodong at Esmeralda nang makita ang mga asbo sa labas. Mga aswang ito na anyong aso ngunit kasinglaki ito ng isang matandang kalabaw.
"Ano mga aswang, hindi ba kayo makapasok? Sandali lang at kami ang lalabas diyan." sigaw ni Esmeralda. Sa kanilang paglabas ay umangil ang mga nilalang na tila galit na galit. Napaatras rin ang mga ito na animo'y ramdam ang delubyong hatid ng tatlong tao sa kanilang harapan. Kung kanina'y agresibo ang mga ito, ngayon naman ay tila nababahag na ang kanilang mga buntot.
Umaangil ang mga ito ngunit sa bawat pag-abante nina Esmeralda ay siya namang pag-atras ng mga asbo.
"O bakit parang natatakot kayo? Nasaan ang tapang niyo?" Tanong ni Dodong habang iwinasiwas ang kaniyang itak sa ere.
Habang tinatakot nila ang mga asbo, isang nilalang naman ang lumantad mula sa kasukalan. Tuloy-tuloy itong naglakad papalapit at nagmistulang maaamong tuta ang mga asbo na umupo sa lupa. Nakayuko ang mga ulo nila na ang dulo ng kanilang ilong ay nakalapat na sa lupa.
"Sino ang mag-aakalang ang mga anak ng dating hari ng mga mahomanay at ng pinakamataas na babaylan ay makikilala ko sa gabing ito?" Turan nito, dumagundong ang malaki nitong boses sa kadiliman ng kagubatan.
Naging alerto naman si Liyab at agad na nagpatiuna habang itinatago sa kaniyang likuran si Esmeralda.
"Isa kang Hanagob?"
"Hari ng mga hanagob. Siguro naman alam mo ang kaibahan ng antas ng aking kapangyarihan sa mga hanagob." Pagtatama nito sabay tawa. Nagliliwanag ang mapupula nitong mata habang nakatingin sa gawi nila. May kakaibang ngisi ring nakapaskil sa mga labi nito at naaaninag nila ang matutulis nitong mga pangil sa bunganga.
"Hindi ba't nasa hanay ka rin ng mga maharlikang engkanto? Ngayong wala na ang pakialamero mong ama, ikaw na ba ang nakaupo sa trono? Nakakatuwa naman, halos lahat ng henerasyon ng mga hari ng engkanto ang aking nakalaban. Alam mo bang ang iyong ama ang pinakamahina sa lahat?" Humalakhak ito at napakuyom namang ng kamao si Liyab.
"Ikaw, malakas ka ba?" Patuyang tanong ng nilalang, humahalakhak ito na tila natutuwa ngunit naudlot ang pagtawa nito nang mabilis na umatake si Esmeralda sa nilalang.
"Bakit hindi ako ang subukan mo? Anak rin ako ng haring tinutukoy mo, aswang!" Asik ni Esmeralda. Muli niyang tinaga ng itak ang nilalang na mabilis din naman nitong naiilagan. Subalit hindi sumuko ang dalaga bagkus ay mas lalo niyang pinag-ibayo ang pag-atake rito hanggang sa makakita siya ng pagkakataong masugatan ito.
"Ikaw ang dahilan kung bakit lumaki kaming walang mga magulang, ikaw rin ang dahilan kung bakit namatay ang asawa ni amang." Sumbat ni Esmeralda.
Dumaplis sa braso nito ang itak ni Esmeralda at napasigaw naman ang nilalang sa sakit. Umagos mula sa sugat nito ang maitim nitong d*go. Napangisi naman ang hanagob at mabilis na inatake si Esmeralda. Hindi nito ininda ang sugat na natamo niya mula sa dalaga, bagkus ay mas lalo itong naging agresibo.
Isang malakas na hampas ang sinalo ni Esmeralda, kung hindi pa niya ito napigilan, paniguradong ang dibdib niya ang sasalubong sa matutulis nitong kuko.
Malakas itong tumawa at panabay na sumenyas at sabay-sabay na umatake sa kaniya ang mga asbo. Dagli namang kumilos sina Liyab para agapan ito.
Galit na dinaluhong ni Dodong ng itak ang dalawang asbo na akma sanang susunggab sa likod mg dalaga. Ginamit naman ni Liyab ang mga baging upang puluputan ang natitira pang asbo at hatakin ito palayo sa dalaga.
"Esme, mag-iingat ka, hindi patas kung lumaban ang mga iyan." Sigaw ni Liyab.
"Ano na, haring mahomanay, magtatago ka na lang ba sa saya mg kapatid mo? Nasaan ang tapang at lakas mo?" Panunuya ng haring hanagob.
"Hindi mo makakalaban si Liyab hanggat hindi mo ako napapatumba, haring aswang!" Panggagaya naman ng dalaga sabay saksak mg punyal sa dibdib ng aswang.
Umatras ito dahilan para mailagan ang atake ng dalaga. Muli silang nagpangbuno at ilang beses ring nakalmot ng aswang sa braso at mga hita ng dalaga. Nagtamo siya ng mga sugat ngunit hindi niya ito iniinda. Tila naging paalala pa iyon sa kaniya na kailangan pa niyang pagbutihin ang pakikipaglaban niya.
"Ate, gamitin mo ito." Inihagis ni Dodong ang isang buntot-pagi at agad naman niya itong nasalo sabay hagupit sa aswang.
Tumama ang latigo sa katawan ng hanagob at masidhing sakit ang nagpahiyaw rito. Napaatras ang hanago at humihingal na napahawak sa nasaktang dibdib. Nagdurugo ang latay na gawa ng buntot-pagi at tila nasusunog pa ito.
"Ahhh, anong klaseng buntot-pagi iyan? Magbabayad kayo!" Galit na sigaw ng hanagob at mabilis na tumalilis palayo.
Hindi na ito hinabol pa ni Esmeralda at agad na nilang tinapos ang mga asbo na natitira sa palibot ng bahay ng matanda. Matapos sunugin ang mga katawan ng aswang ay pumasok na sila sa bahay.
Naabutan pa nilang nakatulala si Ador at Tina sa binata habang nakatingin sa labas.
"Ayos ka lang ba ate? Ang dami mong sugat." Puna ni Dodong na siyang nakapagpabalik ng huswisyo ni Ador.
Agad nitong dinaluhan ang dalaga at sinuri ang sugat nito.
"Totoo ba iyong nakita ko, nilabanan niyo nang harapan ang mga aswamg na iyon? At mukhang ang isa sa kanila ay malakas na uri. Sino ba kayo, at bakit kayo narito sa kabundukang ito?" Tanong ni Ador.
"Mga manunugis ho kami 'Tay Ador, at hindi kami napadpad lang dito, sinadya namin ang kabundukan ito sa isang misyon, ang lipulin ang mga aswang na sumakop dito." Sagot naman ni Esmeralda.
"Tatay Ador, may kaalaman ba kayo sa panggagamot? Maaari niyo bang lapatan ng gamot ang mga sugat ni Esme, may mga dala naman kaming gamot, ito po ang gamitin ninyo." Inabot ni Liyab ang bag na dala nila. Doon nakalagay ang samo't saring langis, halamang-gamot at halamang ugat na malimit nilang gamitin sa mga sugat at sakit.
Namangha naman si Ador nang makita ang laman ng bag na ibinigay ng binatay. Kinalkal niya ito at kinuha ang isang partikular na dahon.
Patakbo nitong tinungo ang kusina at kinuha ang almeres na gamit nitong pandikdik ng mga sangkap niya sa pagluluto. Doon ay inilagay niya ang dahon at marahan iyong dinikdik.
Banayad ang bawat galaw ng kamay ni Ador, hindi mabigat at hindi rin magaan. Sakto lamang na madurog ang mga dahon. Matapos ay ilang beses din niya itong minasa roon bago inilagay sa mga sugat ng dalaga.
Agad na naramdaman ni Esmeralda ang paghagod ng lamig sa kaniyang mga sugat. Kahit papaano ay naibsan ang panghahapdi niyon at napalitan ng maginhawang pakiramdam.
"Wala namang lason ang kuko ng aswang na iyon kaya wala tayong dapat ikabahala. Hindi na ba sila babalik?" Tanong ni Ador.
"Siguradong magpapagaling muna iyon. Malubha ang natamo niyang sugat dahil sa buntot-pagi, dalawa hanggang tatlong araw ang lilipas bago tuluyang humilom iyon. " Paliwanag naman ni Liyab.
"Ganoon ba, mukhang magkakaroon pala tayo mg tahimik na gabi pansamantala. " Wika naman ng matanda.
Napailing naman si Liyab at agad na tinama ang matanda. Hindi man makakabisita ang hanagob. Paniguradong magpapadala ito ng alipores sa bahay nila. Lalo na ngayon alam nito na naroroon sila.
"Kahit wala naman kayo palagi silang narito. Kaya wala ring pagkakaiba. Hindi ko nga alam sa mga iyon, dati maraming nakatira sa bundok na ito, pero simula nang umatake ang mga aswang , paisa-isa na silang lumikas ang iba naman ay napat*y at ginawang pagkain ng mga aswang. Tanging kami na lamang ni Tina ang natitirang narito." Kuwento ni Ador habang iniligpit ang kaniyang mga ginamit.
"Bakit ganoon sila ka-agresibong atakihin kayo, 'tay?" Tanong ni Dodong.
"Nagmula ako sa angkan ng mga buyagan. Pero matagal ko ng kinalimutan ang gawaing iyon. Simula nang dumating sa buhay ko si Tina. Ang totoo niyan, hindi ko anak si Tina, ako lang amg nagpalaki sa kaniya. Sanggol pa lang siya nang iwan siya sa akin ng mga magulang niya, namat*y sila nang unang umatake rito ang mga aswang. Hindi pa ganoon kalala ang sitwasyon."
"Ibig sabihin, matagal nang napasailalim ng kadiliman ang lugar na ito, ilang taon na si Tina, sampo?" Takang tanong ni Esmeralda freewebnσvel.cøm
"Siyam, walong taon ang nakaraan nang umatake rito ang mga aswang, simula noon, dahan-dahang nagkuta rito ang iba't ibang klase ng mga aswang. Asbo, kiwig, sarut, wakwak, ekek, ilan lamang iyan sa mga nasilayan ko at masasabi ko talagang nakakapangilabot sila." Pinagkuskos ng matanda ang palad sa braso niya upang ibsan ang kilabot na kaniyang nararamdaman.
"At mukhang ang nakalaban niyo ang siyang namumuno sa kanila," dagdag ng matanda.
"Tama ho kayo. Isang hanagob ang aswang na iyon at siya raw ang hari. Hindi pa natin alam kung sino at ano pang uri ng mga aswang ang nasa hanay nila." Sagot ni Liyab.