Infinito: Salinlahi-Chapter 68

If audio player doesn't work, press Reset or reload the page.

Chapter 68 - 68

Nang tuluyan namang kumalma si Esmeralda ay nakita niyang tumayo na si Haraya sa upuan nito. Lumapit ito sa tatlong kabaong at nag-iwan doon ng tatlong pirasong bulaklak. Kakaiba ang bulalak na iyon at nang umihip ang hangin ay dumampi sa ilong niya ang mabango nitong halimuyak.

Agad siyang napatanong nang makalalpit na sa kaniya ang matanda.

"Ah, lola, anong klaseng bulaklak po iyong iniwan niyo sa kabaong?"

Ngumiti si Haraya at humawak sa braso ng dalaga.

"Naaamoy mo ba? Hindi iyan naaamoy ng ordinaryong mga tao, sa mata nila, ilang-ilang ang bulaklak na nakikita nila, pero dahil alam kong may dugo kang engkanto, alam kong naaamoy mo ang mabango nitong halimuyak. Pero apo, alam mo bang napakabaho niyan para sa mga aswang? Hindi sila lalapit hangga't nasa ibabaw iyan ng kabaong, magsisilbi iyang proteksyon laban sa mga balbal na papalapit na sa lugar na ito. Napakatuso pa naman ng mga aswang na iyon." paliwanag ni Haraya. Napatayo naman si Esmeralda at muling napatingin sa bulaklak. Pamilyar kasi ang amoy nito at tila ba minsan na niya itong nahawakan noon, hindi lamang niya matandaan kung saan.

Mabilis na lumipas ang oras at sumapit na nga ang hatinggabi...

"Magkape ho muna kayo, Aling Haraya. Esme, may pagkain akong inihanda para sa inyo doon sa kusina, ipapakuha ko na lang sa asawa ko para dalahin rito." malungkot na wika ng ginang.

"Naku, Aling Susan, kami na ho ang kikilos, alam kong nagluluksa pa rin kayo. Mas maigi kung doon lang kayo sa tabi ng mga anak niyo, lalo pa't hatinggabi na," wika ni Esmeralda. Tinulungan niya ito sa dala nitong mga kape at siya na rin ang nag-ikot para ipamigay ito. Naiwang nakatayo naman ang ginang sa harapan nina Haraya at muli itong napaluha.

"Tama ang apo ko Susan, tabihan niyo muna ang mga bata, pakiusapan mo ang mga kapitbahay at kamag-anak mo sa doon muna sila sa kabaong, huwag ninyong iiwan iyon kahit na anong mangyari o kahit na anong marinig niyo sa labas." dugtong ni Haraya at muli itong tumayo. Mabilis naman siyang inalalayan ni Harani at naglakat patungo sa bungad ng tolda.

Nang magsimulang umalulong ang mga aso ay dali-dali nang kumilos si Aling Susan para sabihan ang mga nakikiramay sa kanila. Nagtipon-tipon sila sa harap ng tatlong kabaong at pinaikutan nila ito. May iilang kalalakihan pa ang tumayo sa harapan nila na may mga dalang itak. Lahat ay tensyunado lalo pa't halos lahat ng aso sa baryo nila ay nagsi-alulungan na. Ang mga matatanda namana y walang patid na nanananlangin para sa kaligtasan ng lahat habang ang mag-asawa naman ay kulang na lang ay yakapin ang tatlong kabaong kung saan nakahimlay ang mga anak nila.

Samantala, naging mas maalinsangan pa ang hangin nang gabing iyon, Nakatayo si Ismael sa isang gilid at maiging nakikiramdam, wala silang pinapalagpas na tunog, simula sa mga huni ng mga kuliglig, alulong ng aso, ihip ng hangin at sa kahit na maliit na kaluskos sa paligid.

Habang tumatagal ang kanilang pagmamasid ay lalo namang nakakaramdam ng panggigigil si Dodong, napansin ni Esmeralda na maging siya ay tila ba nababalot ng galit at poot. Hindi niya maipaliwanag ngunit nang mga oras na iyon, pakiramdam niya ay kaya niyang pumat*y agad sa oras na may magkamaling magpakita sa kanila.

"Huminahon kayong dalawa, itong mga batang ito, Mael, ipasok mo muna ang dalawang ito at huwag palalabasin hangga't nababalot sila ng galit. Mapapahamak lang sila kapag nagpadalos-dalos sila. Mukhang hindi lang balbal ang makakaharap natin." Turan ni Lola Haraya.

Labag man sa kalooban ng dalawa ay nagpatianod na sila nang hatakin sila papasok ni Ismael.

"Esme, Dodong, huminahon nga muna kayo. Bakit ba?" Tanong ni Ismael sa dalawa.

"Amang, hindi ko rin maintindihan, basta nagagalit ako." Gigil na wika ni Esmeralda. Bakas sa mukha nito ang pagpipigil sa kabila ng pagpapakalmang ginagawa ni Ismael sa kanila. Halos magkiskisan na rin ang mga ngipin ni Dodong nang mga oras na iyon.

The source of this c𝓸ntent is frёeweɓηovel.coɱ.

Samantala, nagsimula namang umalinsangan ang kaninang malamig na hangin. Nakakaamoy na rin sila ng nabubulok na humahalo sa hangin.

"Lola Haraya, nakahanda na ho ang mga pangontra, nailatag na namin sa palibot ng bahay."

"Mabuti, sige na Mateo, pumuwesto na kayo at titingnan natin kung hanggang saan ang tapang nila. Kapag may lumagpas sa harang, huwag kayong magdadalawang-isip na tapusin sila. Balbal at Ebwa ang siguradong aatake rito dahil sa tatlong bangkay na nakaburol. Talasan niyo ang pakiramdam niyo dahil madudulas ang mga uri nila."

Tumango si Mateo. "Sige po lola." Pagkuwa'y tumalikod na siya at tinungo ang likurang bahagi ng bahay upang doon magbantay. Sa pagkakataong iyon, muli nang huminahon si Dodong at Esmeralda matapos silang painomin ni Ismael ng halamang gamot na pampakalma.

lumabas na si Esmeralda at tumabi sa kaniyang lola habang ang mga mata ay nakatuon sa kadilimang nasa harapan nila. Nagpatuloy ang pabasa sa loob ng tolda habang ang mga tao ay nakapalibot sa tatlong kabaong binabantayan nila.

Maya-maya pa ay biglang nawala ang mga tunog ng kulisap sa gabi. Lumakas ang pag-alulong ng mga aso at panaka-nakang nahahaluan ito ng galit na angil.

Agad na kumilos si Esmeralda nang makita ang isang mabilis na pagkilos sa talahiban. Gamit ang kaniyang itak ay mabilis niya itong tinaga. Isang malakas na atungal ang nangibabaw sa paligid kasabay ang tunog na tila may bumagsak sa lupa at tila nag-aalipasang isda.

Nakakapanghilakbot ang tunog na iyon. Nang itapat naman ng isang manunugis ang apoy ng sulo sa nilalang ay doon niya nakita ang nakaririmarim nitong kaanguan. Buto't balat ang buo nitong katawan, habang may iilang parte ng balat nito ang tila naaagnas na at ginagapangan pa ng mga uod. Nakasusulasok rin ang mabaho nitong amoy na tila nabubulok na karne.

Nang muli itong umangil sa kanila ay nakita ni Esmeralda ang bunganga nitong nangingitim na,maging ang matatalas nitong pangil na marahil ay gamit nito para pangusin ang mga kalamnan ng patay.

Hindi na siya nagdalawang-isip pa at agad nang itinulos ang pinatulis na kawayan sa bungo ng nilalang. Ang tunog ng napunit na laman at pagtusok sa matigas nitong bungo ay nagdala ng mas malala pang tensyon dahil sa sabay-sabay na pag-atungal ng mga kasama nito.

"Marami pa sila, magsipaghanda na kayo!" Sigaw ni Esmeralda at mabilis na inakyat ang bubong. Mula sa taas ay kitang-kita niya ang paggalaw ng mga talahib sa palibot ng kinaroroonan nila.

Nanggagaling ang mga ito sa bawat direksyon at ang inaalala niya ay ang mga tao. Ito ang unang beses na nagkaroon ng pag-atake sa kanilang lugar. Tila ba nagtipon-tipon roon ang mga aswang para sa isang dahilan.

"Ebwa, Balbal, Busaw, bakit parang nararamdaman ko ang tatlong ito?" Nagtatakang tanong ni Esmeralda sa kaniyang sarili.

Ilang minuto pa amg lumipas ay tila mga hayok na asong ulol ang mga itong umatake sa tolda. Mabilis namang dinaluhong ng mga manunugis ang mga ito, habang si Esmeralda naman ay tila may hinahanap sa grupo nito.

"Mga balbal!" Sigaw pa ng isang babae na nakakita sa pangyayari.

"Dodong, sa likod mo!" Sigaw ni Loisa at mabilis na hinataw ng buntot-pagi ang balbal na umatake sa bata.

Marahas na bumagsak ang katawan ng balbal sa lupa na tila natutupok ng apoy. Umuusok ang bandang tinamaan ng latigo habang nagpupumilit itong tumayo.

Nang makita ito ni Dodong at gigil niyang pinugutan ito ng ulo.

"Salamat Ate Loisa," wika ni Dodong at muling inatake ang isa pang papalusob na nilalang.

Nagpatuloy pa ang pag-atake ng mga balbal at may panaka-naka rin silang nakakaharap na ebwa, hanggang sa tuluyan nang umatras ang iilan sa mga ito nang makita nilang dehado sila dahil sa mga manunugis.

Eksaktong alas tres nang muling tumahimik ang paligid.

"Maraming salamat sa inyo." Umiiyak na wika ng ginang.

"Huwag ka munang magpasalamat, dahil hangga't hindi pa naililibing ang mga anak mo, hindi pa sila ligtas. Pero hayaan mo, gagawa ako ng ritwal para protektahan ang mga katawan nila." Mahinahong wika ni Haraya habang tinatapik ang balikat ng ginang.

Saktong umaga na nang umalis sila sa bahay ng ginang upang magpahinga. Nangako naman ang ibang manunugis na babalik bago sumapit ang ala sais ng gabi para muling magbantay.

Matapoa naman ang ilang oras na pahinga, naglibot si Esmeralda sa baryo nila. Tiningnan nila kung may mga bakas ba ng mga aswang sa bawat bahay. Kinausap rin niya ang ibang tao upang tanungin kung may nararamdaman ba silang kakaiba sa paligid nila tuwing gabi. Nang makasiguro naman na wala na ay pinuntahan naman niya ang baranggay hall upang kamustahin ang mga tanod ni kapitan.

Habang nasa lamay kasi sila kahabi, ang mga ito naman ang naatasan para maglibot sa baryo, upang siguruhin walang mabibiktima habang nakikipaglaban sila.

Maaari kasing gawing dibersyon ang pag-atake sa lamay para mas makapangbiktima pa ang mga ito ng buhay.

"May mga namataan raw ang mga tanod ko kahapon na matandang babaeng nag-iikot-ikot sa daan. Pabalik-balik. Mukhang dayo ang matandang iyon, nakasuot ng itim na damit at nakabelong itim rin. Nang sitahin naman ng mga tao ko, nagmamadali raw umalis. Ang nakakapagtaka, uugod-ugod na raw ang matanda pero kahit patakbo na sila hindi pa rin daw nila ito mahabol-habol." Kuwento ng kapitan.

Napakunot ang noo ni Esmeralda kaya naman, muli siyang nagtanong, "Kap, ano pa ang napansin niyo sa matanda, may hawak po ba siyang tungkod?"

Napahawak ang kapitan sa baba niya at napatingala. "Oo, mukhang nabanggit nga nila ang tungkol sa tungkod. Kakaiba raw kasi, ga2a sa kahoy at may kung ano-anong nakaukit daw roon. Hindi naman nila masabi kasi hindi nila maintindihan at masyado raw madilim."

Nang marinig ito ni Esmeralda, doon niya nakumpirma na ang matandang nakita nila ay ang matanda ring nakausap nila na may dalang kahon.